Saturday, May 15, 2010

Antipolo 2010

Dumaan na ang eleksyon. Nag-iwan ng ibat-ibang damdamin sa mga tao, sa mga taong bayan, sa publiko. Kanya-kanyang kampihan, kanya-kanyang alyansa. Pero sa totoo lang, hindi madaling gumawa ng opinyon tungkol sa pulitika. Sa panahon ng halalan, nahahati-hati ang bayan. Nagkakaroon ng kampihan at nagdudulot ng ibat-ibang sentimento. Natural na yon. Simula palang sa kasaysan ng Pilipinas, nagiging diversified ang bansa pagdating sa panahon ng botohan. At sa pagkakataong ito, sa kasamaang palad, nagkaroon ako ng opinyon.

Hindi naman ako fanatic ni dating Mayor Angelito C. Gatlabayan (ACG), pero lumaki ako sa bayan ng Antipolo na siya ang kinamulatan kong alkalde. Mula 1998-2007, nagsilbing pinuno ng bayan ng Antipolo si ACG at tatlong beses nahalal sa ganoong pwesto. Ito yung mga panahon na pa-graduate ako sa Juan Sumulong Elementary School patungong highschool sa Antipolo National High School. Hanggang sa tumuntong ako sa kolehiyo, ang tatlong letra pa rin na ACG ang nakikita ko sa paligid ng sinilangan kong bayan. Sa madaling sabi, sa panahon na umusbong ang kamalayan ko sa mga bagay-bagay ay siya ring panahon na nasaksihan ko ang pagbabago sa munting bayan ng Antipolo. Mula sa mga panahon na madilim pa ang mga lansangan at iisa palang ang Jolibee sa bayan, sa bawat araw na umuuwi ako mula sa eskwelahan, napansin ko ang dahan-dahang paggalaw ng aming simpleng siudad. 

Sa panahon ni ACG, nadagdagan ng 18 secondary schools ang Antipolo. Ang mga dating extension lamang ay naging mga independent national high schools. Nagkaroon din ng URS branch sa may gilid ng Unciano Hospital, ito ang kauna-unahang state university na nakarating sa Antipolo. Dumagsa din ang mga covered courts at ayon sa naitala ay 52 ang lahat ng ito. Nagsulputan din ang mga daycare centers, multi-purpose buildings, baranggay halls, health centers, lumawak ang mga kalsada sa upper and lower Antipolo, nagkaroon ng ilaw ang mga lansangan tulad ng sa zigzag, pumasok ang turismo at naging bahagi din ako ng SUMAKAH Festival na inilaban sa national competition na gaya ng Aliwan, nagsulputan din ang mga business establishments gaya ng Max, Shopwise, National Bookstore, ilang branches ng Mercury Drugstore at iba pa. Umusbong narin ang mga realty corporations gaya ng Maia Alta at Avida dahilan upang lalong lumaki ang populasyon ng bayan mula around 400,000 noong 1997 na ngayon ay nasa humigit kumulang 800,000 ayon sa huling bilang noong 2007. Sa pagdami ng tao ay dumami din ang oportunidad ng kabuhayan at employment dahilan upang lumakas ang kita ng pumapasok na buwis. Sa panahong ding ito umigting ang seguridad ng bayan at nagkaroon ng isang malaking piitan sa may Baranggay San Jose. At dahil sa masidhing pagnanais ni ACG na makapag aral ang lahat ng kabataan sa Antipolo, ipinatupad niya ang libreng edukasyon para sa basic years of education. Ibigsabhin, naging libre ang matrikula pati mga gamit sa eskwela. Naalala ko pa nun na ginagawa lang naming songhits at autograph book ang mga notebook ni ACG. At mga bag naman na ipinamimigay ay ginagamit lang ng mga tatay ng estudyante. Medyo baduy kasi. Hehe. Sa ganitong adhikain apat na beses kinilala si Mayor Lito Gatlabayan bilang Most Outstanding Mayor of the Philippines in Literacy ni Pangulong GMA. Katuwang naman ang kanyang asawang si Josefina Gatlabayan, kinilala ang Antipolo bilang Cleanest & Greenest Component City in the Philippines Gawad Pangulo sa Kapaligiran ni PGMA at ng DENR noong 2005.

Tinamad na kong isama ang iba pang pagkilala at tagumpay na natamo ng bayan ng Antipolo sa panahon ni ACG. So ibigsabhin, ito ay ilan lamang sa mga bagay na kapansin-pansin na naganap sa Antipolo City. May mga nagsasabi na natural lamang at dapat lang naman talagang mangyari ang mga bagay na ito dahil tatlong beses ba namang naluklok si ACG. Sa ganitong konklusyon, malinaw na si ACG ay isang Working Mayor. Gumalaw ang Antipolo. Ako mismo ay buhay na saksi sa paggalaw na iyon. Wala naman akong personal na ugnayan kay dating Mayor at hindi rin naman ako nagtrabaho sa munisipyo o nagsilbi bilang government employee sa anomang paraan. Ni hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na maka-kwentuhan man lang si ACG. Pero nagsasalita ako bilang isang pangkaraniwang indibidwal na nakasaksi ng positibong kaganapan sa sarili kong bayan. Sabihin na nating, pagkilala lamang ito. At walang sino man ang makakapagsabi sa kin na hindi umunlad ang bayan ng mga panahong yun.

Kaya nga nagulat ako nang sumakabilang buhay si Hon. Vic Sumulong at humalili sa pwesto si Leyble, ay parang naiba ang lahat. Isang mabuting tao naman si Mayor Nilo Leyble ayon sa opinyon ng ilang tao na nakatrabaho siya. Bago dumating ang eleksyon, nakiusap si Leyble kay ACG na siya muna ay bigyang pagkakataong tumakbo bilang Mayor. Sa pakiusap na ito, hiniling ni Leyble na manatili muna sa kongreso si ACG. Ang layunin umano ni Leyble ay upang hindi magwatak-watak ang bayan ng Antipolo at nang hindi sila magkasagupa sa eleksyon. Hindi ko na alam ang sumunod na nangyari. Pero nagsilabasan ang mga balita tungkol sa pagbaligtad ng mga dating supporters ni ACG partikular ang hanay ng mga kababaihan mula sa AGLA (Antipolo Green Ladies Association) na nawalan ng programa sa panahon ni Sumulong. Karamihan umano sa mga kasapi ng nasabing samahan ay lumipat sa NILO o Newly Integrated Ladies Association bunsod ng ilang di pagkakaunawaan sa pagitan ng samahang AGLA at ni ACG. Habang papalapit ang halalan, gaya ng nabanggit ko, unti-unting umugong ang balita patungkol sa pagbaligtad ng ilang dating supporters ni ACG. Ayon sa Leyble mismo, 12 out of 16 Punong baranggay at 14 out of 16 na konsehal naman ang umanoy nagpahayag ng suporta sa kanya. Hindi pa kabilang dito ang majority ng transport, business at religious groups.


Hindi ko alam ang naging pulso ng Antipolenyo hinggil sa ibat-ibang kwento na umikot sa kapitolyo ng Antipolo. Wala akong kumpletong detalye sa buong istorya kung bakit naiba ang ihip ng hangin. May nakapagsabi din na si ACG umano ay naging bahagi ng ilegal na droga, isang uri ng kwento na hindi ko mahanapan ng basehan. At nalaman ko rin ang isyu tungkol sa malaking halaga na inutang ng administrasyong Sumulong upang makapagpagawa ng mga eskwelahan, hospital, sports center, housing projects at pagpapasaayos ng munisipyo. Kasama sa pangungutang na ito si ACG nang siya ay maluklok bilang Congressman ng 2nd District. Humigit kumulang 1 bilyon ang naiwang utang ng bayan ng Antipolo ng humalili na sa pwesto bilang alkalde si Leyble. At hanggang sa panahong ito, for the record ay hindi pa naman nagdagdagan ang utang na iyon bunsod na rin sa hangarin ni Leyble na bayaran muna ang mga naiwang utang ng naunang administrasyon (Administrasyong Sumulong).


Hindi ko naman layunin sa puntong ito na alamin kung sino ang mas nakabubuting lider ng aking bayan. Marahil gusto ko lang kilalanin sa usaping pulitikal ang mga bagay na naganap sa panahon na namulat ako sa pagbabago ng Antipolo. Gayun din naman, kasabay ng pagbabago ang pagdating ng mga bagong kwento, bagong opinyon at mga bagong desiyon. Nakakalungkot isipin na nawalan ako ng pagkakataong bumoto. Pero sapat narin kahit papaano ang maimpluwensiyahan mo ibang tao upang sila ay makagawa ng tamang desisyon, anu mang desiyon iyon.

Miyerkules, May 12 idineklara ng local COMELEC si Danilo Leyble bilang lihitimong Mayor ng Antipolo City at si Susan Say bilang Vice Mayor. 
----------------------------------------------------
*special thanks to Antipolo Star

No comments: