Wednesday, August 13, 2008

2 INCHES

Isa sa mga ayaw ko sa mundong ito eh ang rush hour. Buhat palang nang mag college ako sa PUP at nadiskubre ko ang realidad ng Maynila, kinasuklaman ko na ang sitwasyon ng lansangan pagsapit ng alasingko ng hapon hanggang mga alaswebe ng gabi. Hindi ko naman topic dito ang tungkol sa traffic. Pero may isang bagay na tumtulong sa kin upang makayanan ang rush hour.

Siguro mga isang oras din kaming naghintay ng katrabaho kong si Eds kanina ng masasakyan pauwi, bandang 8:10pm. Matagal. Hindi maubos-ubos ang pasajerong naghihintay din tulad namin sa kahabaan ng Meralco Avenue. Dagsa. Parang may parada ng mga taong pagod at uwing uwi na. Pero wala namang choice. Patuloy lang kaming nagkwentuhan ni Edz habang nakaupo sa isang mataas na gutter.

Pero sa pagkainip ko, tumayo narin ako. Isang minuto palang ang nakakalipas ng may dumaang Sarao jeep byaheng Antipolo Simbahan. Walang nakasabit. Lumampas ng konti sa harapan namin ni Edz ang jeep. Pero kumaripas na ko ng takbo at humawak na sa pinto. Kasunod ko si Edz. Marahil, ito ang pinakadelikadong pagsabit na ginawa ko. Wala akong matapakan dahil puno na ang gitnang pintuan ng jeep. Patuloy lang ang byahe. Wala ring hawakan sa bubong. Pakiramdam ko, 2 inches lang ng paa ko ang nakatapak sa tapakan at 5 centimeters lang ang nipis ng hinahawakan kong yero.

Masakit sa kamay. Masakit din sa paa. Pero mas masakit ang makita mo ang katabing sasakyang jeep na patok at maluwang sa loob. Parang gusto mong lumipat alang alang sa comfort zone. Pero maiiba ka nga lang ng uuwian. Halos nakilatis ko naman ang ibat-ibang usong kotse ngayon. May napansin pa kong magandang babae sa kabilang jeep. Nagulat si Edz dahil marunong daw akong tumingin ng maganda. Sabi ko, "ang kinis kasi ng mukha nya... parang sa kin."
Ilang sandali naman nakipag kaway pa kami ni Edz sa isang G-Liner bus na siksik din ng mga taong pauwi. Sa kabilang banda, kung saan-saan din umabot ang kwentuhan namin. At ilang uri ng pagkapit na rin ang nagawa ko wag lang mahulog sa dakilang Sarao jeep na yon.

Sa wakas, sa kalagitnaan ng byahe, nakakuha rin ng mauupuan. Hindi naman ito ang unang beses kong sumabit. Hindi rin naman yun big deal. Pero naisip ko lang na kung kelan hindi ako komportable, doon ako maraming nadiskubre. Hindi biro sumabit. Pero mas hindi yata biro kung hirap ka na nga sa pagsabit eh sasabihin pa ng konduktor sa binayad mo, "boss kulang pa ng dos to." Sabi yun ni edz.

Pero isa lang ang masasabi ko, ayoko nang magpa abot ng rush hour.

Tuesday, August 12, 2008

WILL Has Arrived

Kakaibang ingay ang naririnig ko ngayon dito sa bahay. Ingay hindi dahil sa mura ng nanay ko. Kundi ingay mula sa iyak ng isang anghel na may dalang panibagong simula sa aming lahat. Siguro lalo sa kin.

Limang bagay lang ang kayang gawin ni Will. Umiyak. Tumae. Umihi. Matulog. Dumede. Kakaiba ang schedule niya dahil graveyard ang kanyang biological clock. Kung kelan nahihimbing ang buong Pilipinas, tsaka naman siya alive na alive. Kakaibang tuwa ang naramdaman ko ng una kong masilayan ang una kong pamangkin sa nursery station ng Antipolo Medical Hospital. Tila ba isang hiwaga ang nagkatotoo.

Ang pagdating niya ay para bang simula ng mga panibagong misteryo. Panibagong mga kabanata. Panibagong simula. Wala mang nakakaalam kung ano ang mangyayari sa kinabukasan, ang bawat pagdilat ng mga maliliit na mata ni Will ay para bang nagsasabi, "kamusta ang buhay?". Tila ba isang tanong na hindi ko masagot.

Sa ngayon inaantok na ko at kakatae lang ni Will. Mamayang madaling araw, magigising ako sa kakaibang alarm clock na hindi ko sinet.

Eto ang video niya.

Tuesday, July 22, 2008

Si Kuya Rey

Para akong binugbog. Pero masarap maligo sa pawis. Naalala ko sa mission hindi mo kelangan mag-gym para pagpawisan. Lalakas ang metabolism mo dahil physacally demanding ang work. Pero ngayong back to reality na ang lahat at 9 hours a day ako sa aircon, lagi magbuhos ng effort para pagpawisan. Ayon, nireffer ako ni Marky (isang investigator sa ward) sa isang Gym sa bayan. Wala naman akong balak magka muscle. Gusto ko lang pagpawisan. Nagpadagdag pa ng kulay ang presence ni kuya tep.

Sa kabilang banda, nareceive ko ang email ni Kern. Biglang humaba. Nandun yung mga plano niya sa life. Ewan ko nalang. August ang kamatayan niya sa field eh. Naisip ko lang ulit na napakabilis nga ng oras. Nakakainip kung hihintayin. Pero magmamadali ka pag hindi mo namalayan.

"Nkakatawa kasi when i was in antipolo diba noong nagkita tayo umuulan pa nun? lam m natatawa ako kasi ngayong paalis na ako umuulan ulit..hehehe...siyem­pre kasi naulit ulit ung month kung saan ako umalis nagumpisa at mamamatay..." -Elder Fontillas

Sunday, June 22, 2008

FEAR

Subukan ko lang mag blog. Baka sakaling iba ito sa tradisyunal na pagtatala ng journal sa papel. Matagal ko na kasing hindi nasusulatan ang journal ko. HIndi ko alam.

Marahil may pangamba ako. Madalas hindi masaya ang naisusulat ko. At ayoko ng mga bagay na hindi masaya, kahit pa sabihing mahilig ako sa nakaraan.

Oo. Mahilig ako sa nakaraan. Sa mga bagay na nangyari na at hindi na pwedeng mabago. Madalas akong naiiwan. O siguro dahil madalas ayokong sumabay sa kasalukuyan. Sabi nila, ang nakaraan ay kasaysayan na. Ang bukas ay isang misteryo. At ang kasalukuyan ay isang regalo, handa ng buksan.

Samahan ko mo. Magkwentuhan tayo sa pangyayaring naganap na. Para sa kin, ang nakaraan ay isang walang katapusang kwento. At ang pagbalik tanaw ay isang nakakatakot na gawain.